ISA SA PINAKAMALAYONG PAARALAN SA RIZAL, CAGAYAN NAKATANGGAP NG STARBOOKS MULA SA DOST-RO2

STARBOOKS

Makapal na putik at baku-bakong daan- hindi ‘yan naging alintana upang maihatid ng Department of Science and Technology Region 02 (DOST-RO2) sa pamumuno ni Regional Director Engr. Sancho A. Mabborang sa pakikipag ugnayan sa Philippine National Police Region 02 (PNP-RO2) na pinangungunahan ni PCol. Ariel Narag Quilang, ang STARBOOKS o Science and Technology Academic Research Openly-Operated KioskS sa dalawang mababang paaralan sa Zinundungan Valley Rizal, Cagayan nitong ika-13 ng Oktubre, 2020.

Sa pangunguna ni Ms. Rowena A. Guzman, SRS II at tagapangasiwa ng Community Empowerment thru Science and Technology (CEST) program ng DOST at Engr. Ferdinand Michael, SRS I ng Provincial Science and Technology Center ng Cagayan ay ligtas na naitawid ang dalawang computer sets para sa mababang paaralan ng San Juan Integrated School at Masi Elementary School.

Malaki ang maitutulong ng STARBOOKS dahil ito ay mainam at malawak na pagkukunan ng bagong kaalaman ng mga mag-aaral tungkol sa agham at matematika, kahit na walang koneksyon ng internet sa kanilang lugar.

“Modular learning” man ang konsepto ng pag-aaral ngayon buhat ng pandemya, magagamit pa rin ang STARBOOKS lalo na ng mga mag-aaral na namamalagi sa kanilang paaralan sa ilalim naman ng proyektong Class Home ng Department of Education Region 02.

Sadyang mahirap ang naging daan upang marating ang mga nasabing paaralan subalit mas mahirap ang nakasanayang kalagayan ng mga mag-aaral doon na kapos sa supply ng kuryente at modernong pasilidad pang-edukasyon.

Ayon kay Bb. Guzman, hindi rito nagtatapos ang tulong ng DOST-RO2 sa komunidad na ito, subalit, simula pa lamang ng maraming interbasyon upang mas mapaunlad pa ang kabuhayan ng mga residente roon.

Samantala, naging ligtas at matagumpay ang nasabing kaganapan sa tulong ng mga kapulisan sa pangunguna ni PLT Jefferson M. Berida, Chief of Police ng Rizal, Cagayan.

#dostPH
#ScienceForThePeople
#DOSTRegion02

Source:
https://www.facebook.com/DOST.Region2/posts/3294162790648903